nandito ka
Tsaang Gubat: Kamangha-manghang Halamang Gamot Mga Halamang Gamot 

Tsaang Gubat: Kamangha-manghang Halamang Gamot

Naghahanap ka ba ng mga mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa tsaang gubat? Ang artikulong ito ay tatalakay sa mahahalagang mga kaalaman tungkol sa tsaang gubat, mga gamit nito bilang halamang gamot, mga sakit na nagagamot nito, mga paraan kung paano ito gagamitin at mga posibleng side effects ng paggamit ng tsaang gubat lalo na sa mga buntis at nagpapasusong ina.

Dito sa Pilipinas, ang tsaang gubat ay isa sa kinikilalang mabisang halamang gamot na rekomendado ng Department of Health ng bansa. Ang halamang ito ay safe gamitin at kilalang-kilala blang lunas sa mga sakit sa tiyan.

Ang halamang gamot ding ito ay rehistrado sa Bureau of food and drugs ng Pilipinas o BFAD.

Ano nga ba ang tsaang gubat? Ano ang itsura ng halamang gamot na ito? Alamin natin.

Ano ang tsaang gubat?

Ang tsaang gubat o kilala sa scientific name na Carmona retusa ay tinatawag ding Philippine tea. Ang halamang gamot na ito ay nabubuhay sa mga bansang India, Sri Lanka at Pilipinas. Bukod sa pagiging halamang gamot, ito ay pinararami rin ng mga tao bilang halamang ornamental. Ang mga tao sa China at Japan ang nagpasikat ng paggamit ng tsaang gubat bilang halamang bonsai.

Ang tsaang gubat ay isang tuwid na halaman na may berde at lupon ng mga dahon. Ito ay lumalaki ng mga isa hanggang apat na metro at matatagpuan sa mga gubat, sa mababa o mataas na mga kabundukan. Madaling makilala ang tsaang gubat dahil ang dahon nito ay parang may mga ngipin ng lagare sa palibot at magaspang ang ibabaw. Ang halamang ito ay namumulaklak ng putting maliliit na mga bulaklak. Namumunga ito ng dilaw na bunga, mga apat o limang milimetro ang laki, na may apat na pirasong buto.

Tsaang gubat bilang halamang gamot

Ang tsaang gubat ay popular na ginagamit bilang halamang gamot para sa iba’t ibang uri ng karamdaman.

Halimbawa, dito sa Pilipinas gamit ang tsaang gubat bilang gamot sa mga sakit sa balat at tiyan. May mga kumpanyang gumagawa ng tsaang gubat tablets at tea. Tinatangkilik naman ito ng mga mamimili dahil sa mga sinasabing health benefits at mga sakit na nagagamot daw nito, tulad ng mga sumusunod:

  • Allergy
  • Singaw sa bibig
  • Colic
  • Ubo
  • Pagtatae
  • Desenteriya
  • Eczema
  • Gastroenteritis
  • Pangangati
  • Pamamaga
  • Scabies
  • Mga sakit sa balat
  • Sakit sa tiyan
  • Sugat

Kung titingnan at iisip-isipin mo ang listahan ng mga sakit na nagagamot ng tsaang gubat, baka maitanong mo, totoo kayang nakagagaling ang halamang gamot na ito?

Maka-agham na pag-aaral ukol sa tsaang gubat

Dahil sa matagal nang pinaniniwalaan ng maraming kultura at komunidad na ang tsaang gubat ay talagang nakagagamot, sinikap ng mga dalubhasa na pag-aralan ang nakamamanghang halamang gamut na ito. Ano nga ba ang natuklasan ng kanilang pananaliksik? Pag-usapan natin.

Ang tsaang gubat bilang anti-allergy. Ang tsaang gubat ay pinag-aralan para sa posibilidad na ito ay may kakayahang labanan ang allergies sa pamamagitan ng pagkontra sa histamine na pinalalabas ng mga selula na dahilan ng pangangati. Ang tsaang gubat ay naglalaman ng rosmarinic acid at microphyllone na epektibong lunas sa allergy.

Ang tsaang gubat bilang antibiotic. Sa isang pag-aaral upang malaman ang kakayahan ng tsaang gubat na puksain ang mapaminsalang mga mikrobyo, tatlong iba’t-ibang mga timplada ng katas ang inihanda: tsaang gubat na may petroleum ether, methanol at choloform. Ginamit ang iba’t ibang mga timpladang ito sa pagsubok sa kanilang kakayahan na puksain ang apat na mga bacterial strains. Ang resulta? Ang tsaang gubat ay maaaring gamitin bilang antibiotic.

Ang tsaang gubat bilang analgesic. Alam mo ba na ang tsaang gubat ay may analgesic properties? Ibig sabihin, ang halamang gamut na ito ay may kakayahang gamutin ang sakit ng ulo mo. Sinubukan ang tsaang gubat sa mga daga para malaman kung gaano ito kaepektibo sa mga mamals. Napatunayan sa pag-aaral na ito na ang tsaang gubat ay nagpapakita ng 51% na pagkaepektibo bilang analgesic at 20% na gamot sa pamamaga.

Tsaang gubat bilang gamot sa pamamaga. Ayon sa resultang nabanggit na, ang katas ng tsaang gubat na kinuha sa pamamagitan ng alcohol ay may sangkap na may kakayahang lunasan ang pamamaga. Ang anti-inflammatory property ng tsaang gubat ay dahil sa maraming phytochemical na nasa halaman. Gayunman, kailangan pang isagawa ang mga pag-aaral para matukoy kung alin sa mga phytochemicals na ito ang dahilan kung bakit nakakagagamot ng pamamaga ang tsaang gubat.

Paggamit ng tsaang gubat

Saan ako makakahanap ng tsaang gubat? Ang tsaang gubat ay nabubuhay kahit wala masyadong pag-aalaga. Itinatanim din ito bilang ornamental plant. Kung gusto mo, makabibili ka nito sa mga shop na nagbibenta ng halaman.

Ang tsaang gubat na tableta o tea bag ay mabibili na sa mga botika sa buong bansa. May mga online shops din na nagbibenta ng mga buto ng tsaang gubat.

Paghahanda ng tsaang gubat tea

  • Magdikdik ng kalahating tasa ng dahon ng tsaang gubat
  • Haluan ng dalawang tasa ng tubig
  • Pakuluan sa loob ng sampu hanggang labing limang minuto, dapat mat takip ang lutuan
  • Hayaang lumamig at salain
  • Ilagay sa pitsel
  • Inumin sa buong maghapon

Kung ang sintomas ay hindi maalis, tigilan ang pag-inum at kumunsulta sa doktor

Paggamit ng tsaang gubat na decoction

  • Bilang tsaa. Uminom ng isang tasa tatlong beses kada araw.
  • Bilang panghugas. Ihugas ito sa apektadong bahagi ng katawan.
  • Bilang pangmumog. Maaari itong imumug kapag masakit ang ngipin o kaya ay pinahihirapan ng singaw sa bibig.

Side effects ng tsaang gubat

Kung ang tsaang gubat ay gagamitin bilang pamahid sa ibabaw ng balat, ito ay napatunayang epektibo sa maliliit na bata, buntis o nagpapasusong ina.

Wala pa namang masamang side effects na naiuulat ukol sa pag inom ng tsaang gubat basta ito ay iinumin nsa rekomendadong doses. Gayunman, ang mga pasyenteng umiinom nito ay kailangang mag-ingat bago uminom ng kahit anong uri ng gamot.

Pagbubuntis at pagpapasuso. Wala pang sapat na maka-agham na pag-aaral para usisain ang masamang epekto o side effect ng tsaang gubat sa pagbubuntis o pagpapasuso. Pero para makatiyak ka, iwasan ang pag inom ng tsaang gubat o kahit na anong klaseng halamang gamot kung ikaw ay buntis o nagpapasuso.

Allergy. Sa ilang bibihirang pagkakataon, ang tsaang gubat ay nagging sanhi ng allergy kapag ito ay ginamit sa ibabaw ng balat.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Tsaang Gubat: Kamangha-manghang Halamang Gamot
1 (20%) 1 vote