Halamang Gamot sa mga Sakit 

Ano Ang Mabisang Halamang Gamot sa Almoranas?

Makakatulong ang artikulong ito sa mga taong naghahanap ng mabisang halamang gamot sa almoranas. Pag-uusapan din natin ang mga sanhi, sintomas at pag-iwas sa sakit na ito.

Ano ang almoranas?

Ang almoranas ay isa lamang sa mga pangkaraniwang sakit ng mga pinoy. Ito ay ang pamamaga ng ugat at laman na lumalabas sa puwit, at kapag napabayaan at lumala. Maaari itong mauwi sa matinding pananakit kapag umiiri na may kasamang pagdurugo. Maari ring makapa ng pasyenteng may almoranas ang bukol o pamamaga sa kanyang puwet.

Bago natin talakayin ang mga halamang gamot para sa almoranas na maaari mong gamitin bilang home remedies, pag-usapan natin ang mga sanhi ng pagkakaroon ng almoranas.

Ano ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng almoranas?

Walang pinipiling tao ang almoranas, mapa bata man o matanda, babae man o lalake ay maaaring magkaroon nito.

Ang mga sumusunod ay ang posibleng mga sanhi ng pagkakaroon ng almoranas.

Nasa genes o namamana

Opo! ang almoranas ay namamana, kaya’t kung meron kang kamag-anak na may history ng almoranas ay huwag kang magtaka kung magkaroon ka rin nito.

Hindi regular na pagdumi o constipation

Ang constipation ay nauuwi sa pagkaipon at pagtigas ng dumi. At kapag matigas ang dumi, maaaring mamaga at magsugat ang puwit na nagiging sanhi ng almoranas.

Labis na paginom ng alak at kape 

Ang maling kaugalian sa pagkain at uri ng paboritong pagkain at inumin ay nagiging sanhi rin ng almoranas. Laging tatandaan na anumang sobra ay nakakasama. Katulad na lang ng labis na paginom ng alak at kape, ito ay kabilang sa mga sanhi ng almoranas.

Pagtatae

Ang hindi normal na pagdumi ay isa pang sanhi ng almoranas. Katulad na lamang ng pagtatae, maaari itong mauwi sa almoranas kapag hindi kaagad nabigyan ng lunas.

Pagbubuntis

Ayon sa pag-aaral, mas malaki ang tiyansa na magkaroon ng almoranas ang babae kapag ito ay nagbubuntis. Ngunit hindi ito pangmatagalan kung kaya’t huwag dapat ipag-alala.

Palagiang pagbuhat ng mabigat na mga bagay

Isa ka bang kargador o ang trabaho ay tagabuhat ng mabigat na bagay? Maaari kang magkaroon ng almoranas! Dahil ito sa matinding strain sa kalamnan.

Edad

Ayon sa mga pag-aaral, kadalasang naaapektuhan ng masakit na almoranas ay ang mga Pinoy na nasa edad 45-65. Ang mga pag-aaral na ito ay sinag-ayunan ng mga dalubhasa.

Pagkain ng maaanghang

Ang pagkain ng mga maaanghang ay nakaiirita sa almoranas.

Kung mapapansin mo, ang ilan sa mga bagay na nakalista sa itaas ay mga salik na kontrolado mo. Sa huling bahagi ng artikulong ito, ilan sa mga ito ang tatalakayin natin bilang paraan ng pag-iwas sa almoranas.

Ano ang mga sintomas ng almoranas?

Narito ang mga sintomas ng almoranas na dapat mong bantayan. Kung mapansin mong nararanasan mo ang ilan sa mga ito ng sabay-sabay, kailangan mong komunsulta sa doktor para sa karampatang lunas.

  • Pagkakaroon ng pamamaga at pag-tubo ng bukol sa mismong butas ng pwet
  • Mahapdi at makirot na pakiramdam sa tuwing dumudumi
  • Pagtitibi o matigas na dumi
  • Hindi maipaliwanag na pangangati sa mismong butas ng puwit (huwag itong kakamutin upang hindi maimpeksyon)
  • Pagkakaroon ng dugo habang dumudumi (tandaan na ito ay presko at mapulang dugo at hindi ito sumasama sa mismong dumi)
  • Paggalaw ng bukol habang dumudumi (kadalasang ang bukol ay kumikilos papalabas at papasok habang umiire)
  • Ang pinaka-malalang sintomas ay ang pagtagas ng dumi sa puwit. Kapag nakaramdam nito, magpatingin kaagad sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.

Ang lahat ng nabanggit sa itaas ay base sa mga karanasan ng pasyenteng nagkaroon ng almoranas. Tandaan rin na hindi lahat ng sintomas na ito ay maaaring almoranas ang sanhi. Puwede rin itong maging sintomas ng ibang sakit. Kaya naman mas makabubuti ang pag checkup sa doktor.

Ano ang mga uri ng almoranas?

May iba’t ibang uri ng almoranas na maaaring tumama kanino man. Narito ang apat na pangunahing mga uri ng almoranas:

Internal Hemorrhoids

Isa itong uri ng almoranas na kung saan nagaganap ito sa loob ng rectal area ng pasyente. Ito ang karaniwang uri ng almoranas.

External Hemorrhoids

Ang almoranas na ito ay nagaganap naman sa labas ng balat ng tumbong o anus ng pasyenteng apektado nito.

Prolapsed Hemorrhoids

Ito ang nangyayari kapag ang ang internal hemorrhoids ay nauwi na sa malalang kondisyon. Nagaganap ang kondisyon na ito kapag ang almoranas ay nahulog mula sa rectal area at umusli sa anal canal.

Thrombosed Hemorrhoids

Kapag ang external hemorrhoids ay napabayaan, maaari itong mauwi sa ganitong kondisyon. Nangyayari ito kapag nakolekta at namumuo ang dugo sa loob ng external hemorrhoid. Kapag ganito na kalala ang almoranas ay karaniwang nangangailangan ito ng agarang operasyon.

Ang mga sumusunod naman ay ang mga grado ng sakit na almoranas. Bawat grado ay may katumbas na lala ng kondisyon:

    • Grade I – Isang maliit na almoranas na hindi nakausli at karaniwang madaling gamutin
    • Grade II – May pangagati at iritasyon. Kadalasang ang bukol ay nakausli sa tumbong at kumikilos ito papalabas at papasok sa tuwing dumudumi ang pasyente
    • Grade III – Kapag ang bukol ay nakausli sa tumbong ngunit kailangan nang itulak ang bukol papasok.

 

  • Grade IV – Ito ang pinaka-malalang kaso ng almoranas na maaari mong maranasan kapag ang sakit na ito ay pinabayaan. Ang paggamot sa gradong ito ay hindi na madadala sa home remedies. Kailangan mo na itong ipatingin sa doktor para sa agarang operasyon.

 

Anu-ano ang mabisang mga halamang gamot para sa almoranas?

Maselan ang sakit na almoranas dahil sabi nga, malapit ito sa bituka. Kaya bagaman may mga nabibiling gamot gamot para dito, mas pinipili parin ng mga Pinoy ang paggamit ng natural na lunas para sa almoranas.

Naglista kami ng mga halamang gamot sa almoranas na madaling makuha saan man sa Pilipinas!

Aloe vera gel

Ang halamang gamot na ito ay mayroong anti-inflammatory properties na talaga namang nakakapagbigay ng lunas sa almoranas. Ipahid lamang ang gel ng aloe vera sa mismong bukol ng puwit. Gawin ito ng paulit-ulit hanggang sa humupa ang pamamaga.

Apple cider vinegar

Mayroon itong astringent properties na makakapagtanggal sa pangangati at iritasyon na hatid ng almoranas.

Dahon ng bayabas

Magpakulo ng murang dahon ng bayabas at ilagay ito sa isang batya na kaya mong upuan. Ang singaw na galing sa pinakuluang dahon ng bayabas ay mainam na treatment sa almoranas. Kapag malamig na ang tubig, gawin rin itong pang hugas sa mismomg puwit.

Katas ng Kalamansi

Katulad ng dalawang unang nabanggit, ang katas ng kalamansi ay mayroon ring anti-inflammatory properties na makakapag bigay lunas sa almoranas mo. Ipahid lamang ang katas ng kalamansi gamit ang bulak o cotton sa mismong tumbong.

Bagaman walang garantiya na agarang malulunasan ang sakit mo gamit ang natural na mga lunas na ito, marami ang makapagpapatunay na ang mga halamang gamot na nabanggit natin ay mabisang lunas para sa almoranas!

Mga dapat gawin upang maiwasan ang almoranas

Halamang gamot sa almoranas? Bakit pa hahantong sa gamutan kung puwede mo namang maiwasan ito?

Narito ang ilan sa mga mahahalagang tips na dapat mong tandaan at gawin upang makaiwas ka sa pagkakaroon ng sakit na almoranas.

Sundin lamang ang mga sumusunod:

  • Iwasan ang mga maaalat na pagkain
  • Iwasan ang labis na pagtaba at magbawas ng timbang
  • Umiwas sa mga maaanghang na pagkain o spicy foods
  • Kumain ng maraming gulay at prutas
  • Kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber
  • Huwag sanayin ang sarili na palaging nakaupo o nakatayo
  • Wastong ehersisyo at tamang diet
  • Uminom ng maraming tubig
  • Iwasan ang pagbababad sa banyo o matagalang pagdumi
  • Kapag nakaramdam ng pagdumi, huwag na huwag itong pipigilin o tiisin

Tandaan na prevention is better than cure! Wala nang tatalo pa sa pag-iwas na magkaroon ng almoranas. Huwag nang hayaang humantong pa sa masakit na gamutan o operasyon. Habang maaga pa ay agapan mo na!

Ang mga halamang gamot ay tulong lamang sa pagpapagaling ng almoranas. Pero ipinapayo ng artikulong ito ang pagsangguni sa doktor bago ka gumawa ng anumang pangunang lunas para sa almoranas!

KATULAD NA MGA ARTIKULO

KATULAD NA MGA ARTIKULO