nandito ka
Serpentina: Ang Halamang Gamot Para sa Diabetes, Sakit sa Puso, Sipon at Trangkaso Mga Halamang Gamot 

Serpentina: Ang Halamang Gamot Para sa Diabetes, Sakit sa Puso, Sipon at Trangkaso

Ang serpentina ay ang halamang gamot na kinikilala bilang Hari ng mga mapapait. Bagaman hindi kaaya-aya ang lasa nito, ang serpentina ay hinahanap-hanap ng mga taong may sakit na diabetes dahil sa ito ay epektibong magpababa ng blood sugar. Ang halamang gamot na ito ay maaaring gamitin na siya lamang o kaya ay ihalo sa pagkain para mabawasan ang mapait na lasa.

Ang halamang gamot na ito ay kilala sa Pilipinas bilang serpentine. Pero kung hinahanap mo ang serpentina sa listahan ng mga halamang gamot sa Pilipinas, baka hindi mo ito makita. Bakit? Kung minsan kasi, mas ginagamit ang pangalan na Sinta bilang kahalili ng serpentine, ang halamang may scientific name na Andrographis Paniculata. Ang tradisyunal na halamang gamot na ito ay hindi lamang kilala dito sa atin, kundi pati na rin sa bansang Sri Lanka at sa kalakhang bahagi ng Southeast Asia. Ito ay popular na ginagamit bilang halamang gamot para sa lagnat at trangkaso.

Serpentina para sa pagtatae

Ang serpentina ay mabisa sa pagkontrol ng pagtatae. Ang mga matatanda kapag nalaman na nagtatae ang kanilang mga apo, gagawa sila ng tsaa na gawa sa dahon ng serpentina. Paano mo gagawin ang tsaa? Kumuha ka ng limang piraso ng dahon nito at ilaga mo sa isang tasa ng tubig. Gawin mo ito ng tatlong beses kada araw. Dahil sa napaka pait na lasa nito, baka gugustuhin mong kumagat ng kaunting tsokolate sa bawat inum mo ng tsaa. May mga tao naman na umiinom ng kaunting honey para at least hindi nila malasahan ang mapait na lasa nito. Sa maraming pagkakataon, kayang pagalingin ng serpentina ang iyong problema sa tiyan, maging pananakit man iyan o kaya ay pagtatae.

Serpentina at ang mga sakit sa paghinga

Dahil uso ang baradong ilong at kahirapan sa paghinga dahil sa sipon tuwing tag-ulan, ang serpentina dapat na hindi nawawala sa inyong mga bakuran. Kung barado ang ilong mo, pwede kang ngumuya ng hilaw na dahon ng serpentine, haluan mo lang ng honey para hindi mo gaanong malasahan ang pait ng halamang gamot na ito. Epektibo rin ang pagnguya ng dahon ng serpentine kung ikaw ay may sipon o hika. ‘Yan nga lang, kailangan mong tatagan ang sikmura mo dahil sa sobrang pait ng dahon ng serpentina. May mga tao nga na nagsasabi na ang serpentina daw ay ang apdo ng mundo, siguro alam mo na kung ano ang lasa nito batay na rin sa tawag nila sa halamang gamot na ito. Sa kabila niyan, may mga pasyente na tuwang tuwa dahil sa epektibo rin ang serpentina sa mga sakit na may kaugnayan sa stroke, diabetes at impeksyon sa baga.

Mga Pag-aaral sa mga pakinabang ng serpentina sa kalusugan ng tao

Napakarami nang mga pag-aaral ang isinagawa sa halamang gamot na serpentina para mapatunayan kung talagang totoo ang sinasabing mga kakayahan nito.

Narito ang ilan sa mga namumukod tanging mga pagsasaliksik:

Noong taong 1911, ang doktor na si Fougere ay nag saliksik tungkol sa purong katas ng halamang gamot na serpentina, na tinatawag noon na Bitter Principle. Ayon sa resulta ng kanyang pag-aaral, ang bitter principle na ito ay nakakapagprotekta sa atay ng tao.

Noong taong 2006, may isang pag aaral na isinagawa sa katas ng halamang gamot na serpentina. Isa sa mga natuklasan sa pag-aaral na ito ay ang isa sa aktibong sangkap ng bitter principle na kilala sa tawag na Andropholide, isang sankap na anti-oxidant at anti-inflammatory. Ang pagkakadiskubre ng sangkap na ito ay sangayon sa nauna nang pagsusuri na isinagawa ng mga dalubhasa sa halamang gamot dito sa ating bansa na matagal nang naniniwala na ang serpentina ay may kakayahang gamutin ang iba’t ibang mga karamdaman, tulad ng pagtatae, lagnat, impeksyon, typhoid, pangangati at mga sakit sa balat, sakit sa atay at kanser.

Ang mga Chinese ay may pag-aaral din na nagsasabing ang serpentina ay may sangkap na pang iwas sa pagbibilog ng dugo. Nakakatulong din ito para makaiwas sa pagbabara ng mga arteries sa puso ng tao. Nakaka pagpababa rin nang presyon ng dugo ang serpentina.

Sinusuportahan ng mga pag-aaral ang mga pag-aangkin ng medisinang Ayurveda na ito raw ay protekyon laban sa pagtaas ng bllod sugar at sakit sa bato.

Alam mo ba? Ang mga pagsasaliksik ay nag papatunay na ang anim na gramo ng serpentine ay kasing epektibo ng gamot na Acetaminophe, kung ito ay iinumin ng dalawa hanggang limang araw kung ikaw ay may sipon, lagnat at pamamaga ng lalamunan.

Paggamit ng serpentina

Para makuha ang mga pakinabang ng halamang gamot na ito, ugaliin ang pagnguya at pagkain ng limang malalaking dahon ng serpentina tatlong beses araw-araw. Pwede mo rin itong inumin bilang tsaa ng tatlong beses kada araw. Kumain ka ng paunti-unti, hanggang sa masanay ka na sa sala nito.

Mga side effects at babala sa paggamit ng serpentina

Sa kabila ng magandang reputasyon ng halamang gamot na serpentine, dapat ka pa ring mag ingat sa paggamit nito, lalo na kung isa ka sa mga sumusunod na grupo ng mga tao.

Umiinom ka ng aspirin. Ang serpentina ay bawal sa mga umiinom ng aspirin o anumang gamot na nakapagpapalabnaw ng dugo. Ang serpentina ay pampalabnaw din ng dugo.

Buntis o nagpapasuso. Ang inang buntis o nagpapasuso ng sanggol ay kailangang mag ingat sa serpentina sapagkat ito ay nakapag papalaglag ng sanggol sa sinapupunan. Bagaman wala pa namang pag-aaral na tumitiyak sa bagay na ito pagdating sa nagpapasusong nanay, mas mabuti na ang nag-iinagt.

Mga pasyenteng may sakit sa immune system. Ang mga taong may sakit sa immune system tulad ng lupus, rheumatoid arthritis at multiple sclerosis ay dapat na mag iwas sa pag inom nito.

Kung binabalak mo ang pag inom ng serpentina sa loob ng ilang mga panahon, tandaan na ang paggamit ng halamang gamot na ito ay limitado lang dapat sa tatlong buwan para sa mga adulto at isang buwan para sa mga bata, baga man ito ay nasa kapsula o dahon. Meron kasi itong side effects kapag napakatagal na ginamit tulad ng pamamaga ng kulani, seryosong allergy at biglaang pagtaas ng mga enzymes sa atay.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Serpentina: Ang Halamang Gamot Para sa Diabetes, Sakit sa Puso, Sipon at Trangkaso
5 (100%) 1 vote