nandito ka
Ano Ang Pampataas ng Platelets? – Ang Kahalagahan ng Platelet Halamang Gamot sa mga Sakit 

Ano Ang Pampataas ng Platelets? – Ang Kahalagahan ng Platelet

Ang platelet ay mga maliliit na hugis-plato na mga selula na dumadaan sa daluyan ng dugo, ito ay may mahalagang papel sa pagpagaling, sa pamamagitan ng pamumuo ng dugo, at iba pang mahalagang mga proseso sa katawan. Kaya ang mga ito ay mahalaga sa ating kalusugan. Sa karaniwan, mayroong 150,000 hanggang 450,000 ka platelet kada microlitro sa sirkulasyon ng ating dugo.

Ano ba ang mangyayari kapag bumababa ang bilang ng iyong platelets? Ang epekto ng mababang platelets ay ang pagkakaroon ng mga pasa sa katawan at mga pantal, dumudugo na ilong o balinguyngoy, at dumudugo na gilagid.

At mangyayari pa ang ibat-ibang simtoma bilang epekto ng mababang platelets kagaya ng hindi mapigilang pagdurugo. Ang matinding pagdurugo habang nagreregla, pagdurugo na nanggagaling sa tumbong, at mga pagdurugo na makikita sa dumi at ihi ng tao. Ang mga simtomas na ito ay hindi dapat balewalain dahil itoy nakamamatay kapag hindi maagapan.

Dahilan ng Pagbaba ng Platelets

Ang dahilan ng pagbaba ng platelets kadalasan ay mangyayari sa pamamagitan ng mga aktibidad na nakaapektar sa bone marrow o utak sa buto. Kagaya ng Anemia, dahil sa kakulangan ng folic acid o bitamina B12, ito ay magdudulot ng pagbabago o pagbaba ng platelets, ang sobrang pag-inom ng nakakalasing na mga inomin lalo na kung kulang sa laman ang tiyan, nakakalason na mga kemikal, at pag-inom ng mga gamot. Pati narin ang Lukemya, impeksiyon ng mga virus na direktang sumira sa mga platelet, ionizing na radyasyon, at pagkalat ng tumor.

Ang iba pang dahilan ng pagbabago ng platelets ay ang hindi pagkilos ng maayos ng Immune system, napagkamalang normal na mga selula, ngunit ito’y bumubuo ng antibodies na sumisira sa mga platelet. Ang pagkaporma ng antibodies mangyayari pagkatapos ng pagsasalin ng mga component ng dugo o platelets, sumisira ito sa isang bahagi nang dahil sa autoimmune na mga sakit o dahil sa isang gamot na ginagamit.

Nang dahil sa pagkaporma ng maraming blood clots o pamumuo ng dugo sa kanyang sirkulasyon, tataas din ang paggamit ng platelets. Ang posibleng dahilan nito ay ang matinding impeksiyon ng bakterya o impeksiyon ng virus, mga gamot o pagkapinsala ng isang tissue. Mangyayari din iyon sa isang malalang komplikasyon ng pagbubuntis dahil sa panahon ng pagbubuntis, ang bilang ng platelets ay bahagyang bumaba.

Ang panganib ng namumuong dugo ay magdudulot ng malaking komplikasyon sa puso o pagkaroon ng di-regular na pintig ng puso na tinatawag na atrial fibrillation. Ang mga platelet at mga microparticle ay kinakailangan para sa pagpapatigil ng pagdurugo at pamumuo ng dugo.

Pampataas ng Platelets

Anu-ano ang mga bagay na nakakatulong kung paano pataasin ang platelets? Kailangang kumain ng tamang pagkain. Kailangan ang mas maraming low-fat na mga protina gaya ng manok o tuna na nagbibigay ng amino acid na mahalaga para lumakas ang katawan. Makabubuti rin ang mga binutil katulad ng cereal at ang sariwang prutas at iba’t ibang pagkain na nakakalusog. At kailangan na mas kakaunti lang ang pagkain ng naprosesong pagkain na may gawgaw at asukal at iba pang prosesong mga pagkain.

Ang iilang karaniwang sustansiya na mahalaga sa katawan ng kahit na sino ay ang Bitamina K, kung saan nakakatulong ito sa pamumuo ng dugo at mayroon itong katangian na pang-ampat ng pamamaga. Minsan ang pamamaga ay mangyayari nang dahil sa pagkasira ng platelets.

Ang bitamina K ay matatagpuan sa mga berdeng dahong gulay. Kaya makakatulong bilang pampataas ng platelets ang mga gulay na dahon na kulay berde gaya ng litsugas, parsli, espinaka, broccoli, at mga damong-dagat. Lutuin ito na dahandahan na mahina lang ang apoy upang mananatili ang kanyang sustansiya. Makakakuha ka rin ng bitamina K, sa mga itlog at atay.

Maganda rin ang olibo at soy bean sa iyong pag-araw-araw na diyeta dahil sa mataas ang mga ito sa calcium at meron ding bitamina K, kung saan ang dalawang ito ay mahahalaga para sa pamumuo ng dugo.

Ang regular pero maingat na ehersisyo ay kinakailangan din at makakatulong kung paano pataasin ang platelets sa natural na paraan. Ang nakakahingal na ehersisyo, tulad ng paglalakad o paglalangoy, at ang pampalakas ng mga kalamnan na mga ehersisyo ay nagpapalakas ng daloy ng dugo sa iyong katawan na tumutulong sa iyong immune system, ito ay mahalaga kung ikaw ay mayroong mababang bilang ng platelets.

Isa pa sa mga kinailangan upang mapataas ang platelets ay tamang pahinga. Inirekomenda na pito hanggang siyam na oras ang tulog sa gabi anuman ang bilang ng iyong platelets, pero mas nakakatulong na tumaas ang bilang ng iyong platelets kapag ikaw ay may tamang pahinga.

At ang isa sa mga dahilan ng pagbaba ng platelets ay ang pagkanadapuan ng dengue fever. Ang dahon ng papaya ay talagang nakakatulong sa pangkalahatang produksiyon ng dugo at pampataas ng platelets. Maraming mga nagka-dengue o nagka-malaria ang uminom nito dahil itoy nakakatulong sa pagtaas ng bilang ng platelets dahil ito ay naglalaman ng ensaym katulad ng chymopapain at papain. Ang paraan ng pag-inom ng dahon ng papaya ay sa pamamagitan ng pagblend ng sapat na bilang nito at pagkatapos ay pigain ang katas, at inomin kaagad.

Ngunit kung hindi mo kayang inomin ang purong katas ng papaya, maaari mong ilagay sa isang takure ang dahon ng papaya at lagyan ng tubig, pakuloin ng dahandahan ng 10-15 minutes para lumabas ang katas ng dahon ng papaya. Habang inalis na ang dahon mula sa takure patuloy parin na pakuloin ang nahalong katas at tubig hanggang sa mangalahati na ito sa kanyang dami. At pagkatapos, mga dalawang kutsara ng juice ang inomin dawalang beses sa isang araw.

Ang isa pang halaman na mabisang pampataas ng platelets ay ang halamang tawatawa. Bagamat hindi pa natutukoy kung anong sangkap ang meron sa halamang ito, marami ang nakakasubok na ito’y mabisang pampataas ng platelets sa panahong sila’y nadapuan ng sakit na dengue. Dahil sa maraming nagpapatunay sa bisa ng halamang tawatawa, si Dr Willie Ong, isang internist ay nagsasabi na “posibleng ang katas ng halamang tawatawa ay nakakadagdag ng bilang ng blood platelets na karaniwang bumababa sa mga taong dinapuan ng dengue fever.” Dahil ang dengue fever ang kadalasang dahilan ng pagbaba ng platelets sa isang pasyente.

Ngunit, dahil hindi parin natutukoy ng mga eksperto sa medisina kung ano ang mga sangkap meron ang halamang ito, inirekomenda na pwede itong gawing first-aid ngunit hindi bilang kapalit ng isang gamot na inireseta ng isang propesyonal na manggagamot. Kaya mas mainam na kumonsulta sa isang doctor para makasegurado lalo na kapag madalian ang pangangailangan nito kagaya ng dinapuan ng sakit na dengue fever.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Ano Ang Pampataas ng Platelets? – Ang Kahalagahan ng Platelet
5 (100%) 1 vote