nandito ka
Makahiya: Ang Halamang Gamot na Walang Hiya sa Paglaban sa Sakit! Mga Halamang Gamot 

Makahiya: Ang Halamang Gamot na Walang Hiya sa Paglaban sa Sakit!

Ang makahiya ay isang halamang katutubo dito sa atin sa Pilipinas. Ito ay tumutubo kahit saan lalo na sa mga bakanteng lote na hindi masyadong dinadaan ng mga tao. Ang halamang ito ay hindi naman talaga itinatanim o inaalagaan. Sa mga mga sakahan, ang makahiya ay itinuturing na damo. Pero damo o peste man kung ituring ng ilan, ang makahiya ay isang halaman na may pambihirang mga katangian at sa katunayan, ang makahiya ay isang namumukod tanging halamang gamot dahil sa mahabang listahan ng mga sakit na kaya nitong pagalingin.

Bakit kaya makahiya ang tawag sa makahiya? Ito ay dahil sa kakatuwang kayarian at tugon ng halamang ito kapag ito ay hinahawakan. Subukan mong masagi at bigla itong titiklop na para bang nalanta, ngunit babalik lang sa dating ayos sa loob ng ilang minuto. Dahil pagiging napaka sensitibo ng halamang ito, ito ay mas kilala sa banyagang pangalan na touch me not o sensitive plant.

Tulad nang nasabi na, ang makahiya ay isang epektibong halamang gamot dahil ito ay diuretic o pampaihi at anti-asthma. Ginagamit ito ng mga taong hindi makaihi at ng mga pasyenteng may sakit may kinalaman sa dugo.

Pag-usapan natin ang mga pakinabang ng makahiya bilang halamang gamot.

Makahiya bilang halamang gamot sa sugat

Ang makahiya ay matagal nang ginagamit bilang gamot sa sugat. Ang dahon nito na may kasamang kaunting tubig ay gingiling at pinipiga para sa katas nito. Alam mo ba? Ang pamamaraang ito ay napatunayan ng mga dalubhasa bilang ektibong gamot sa sugat! Nakita ng mga doktor na ang paggamit ng ointment na gawa sa makahiya extract ay epektibong nakapagpapabilis ng paggaling ng sugat

Kamandag ng ahas at ang makahiya

Isang kakaibang pag-aaral ang isinagawa para patunayan ang kakayahan ng makahiya na labanan ang kamandag ng ahas na kobra. Kinuha ng mga dalubhasa ang katas ng ugat ng makahiya sa pamamagitan ng pagpapakulo dito at napatunayang may kakayahan itong i-neutralize ang lason na galing sa kobra. Pero tandaan, ang gamutang ito ay ginagawa lamang ng eksperyensiadong mga manggagamot at herbalist.

Ang makahiya ay halamang gamot para sa ulcer

Isa pa sa mga pag-aaral na isinagawa sa makahiya ay ang posibleng gamit nito sa pagpapagaling sa sakit na ulcer. Ang pagsasaliksik ay isinagawa sa mga daga na may ulcer. Nakita ng mga dalubhasa na ang katas ng halamang gamot na makahiya ay epektibo para mabawasan at tuluyang magamot ang ulcer.

Ang makahiya ay gamot sa pagtatae

Ang makahiya ay epektibong halamang gamot sa pagtatae. Napatunayan sa isang pagsasaliksik na ang katas ng makahiya na kinuha sa pamamagitan ng paghalo dito sa ethanol at langis ng castor ay epektibong lunas laban sa pagtatae ng mga dagang albino.

Ang makahiya at pamamaga

Napatunayan sa isang pag-aaral na ang makahiya ay mabisang panlaban sa pamamaga. Ang pananaliksik ay ginawa sa mga daga na sinadyang magkaroon ng edema o pamamaga sa paa. Ang resulta ay malinaw na nagsasabing ang halamang gamot na ito ay epektibong gamitin laban sa pamamaga. Dito sa atin sa Pilipinas, may mga tao na naglalaga ng dahon ng makahiya at ginagamit ito bilang compress o kaya naman ay panghugas sa bahagi ng katawan na namamaga. Kaya pala sinasabi ng mga matatanda na ito ay epektibong gamitin sa pamamaga.

Makahiya bilang gamot sa diabetes

Ang kakayahan ng makahiya na gamutin ang diabetes ay napatunayan sa ilang magkakaibang mga pananaliksik. Halimbawa, sa isang pag aaral gamit ang katas ng dahon at ugat ng makahiya, nakita ng mga mananaliksik ang epekto ng araw araw na pagkain ng makahiya extract sa pagbaba ng blood sugar ng mga pasyente.

Kalusugan ng atay at makahiya

Alam mo ba na ang halamang gamot na makahiya ay kapakipakinabang din sa kalusugan ng atay mo? Ito ang sinasabi ng isang pag-aaral na isinagawa para patunayan ang kakayahan ng makahiya na protektahan ang atay laban sa mapaminsalang mga toxins. Nang bigyan ang mga daga ng katas ng makahiya, nakita ng mga mananaliksik na naging proteksyon ito sa mga atay ng mga hayop laban sa mga lason sa atay.

Ang makahiya bilang pamatay mikrobyo: fungi, virus at bacteria

Ang makahiya ay napatunayan na mabisang panlaban sa mga mapaminsalang mga mikrobyo tulad ng fungi, virus at bacteria. Nakita ng mga dalubhasa sa isang pag-aaral sa katas ng makahiya na ito ay may taglay na anti-microbial properties at epektibong pamatay ng mga mikrobyong karaniwan nang nagiging sanhi ng mga karamdaman ng mga tao at hayop.

Gamot sa bato sa bato o kidney stone ang makahiya

Ang makahiya ay pampaihi o diuretic, kaya ito ay pinaniniwalaang lunas sa sakit na bato sa bato. Ito ay pinatutunayan ng ilang mapagkakatiwalaang pananaliksik tungkol sa sakit na ito.

May pinsan akong nagkasakit at na diagnose na may bato sa kanyang kidney. Sinabi ng kanyang doktor na kailangan siyang magpa-opera para tanggalin ang namuong bato. Pero walang pera ang pamilya nila para sa ganoon kaselan na operasyon. Nagtanong tanong sila at napunta sa isang herbalist na kilalang nagpapalabas ng mga bato sa kidney sa pamamagitan lamang ng makahiya. Ang kanyang payo ay maglaga ng makahiya. Nilaga nila ang halaman kasama na ang mga ugat nito at ininom ang katas. Kalaunan ay lumabas ang maliliit na mga bato kasama ng kanyang ihi. Siya ngayon ay balik sa dating kalusugan. Salamat sa pambihirang kakayahan ng makahiya bilang halamang gamot sa bato sa bato.

Side effects ng makahiya

Ang makahiya ay napatunayang nakapag papahina ng kakayahang magkaroon ng anak. Kaya kung nais mong magkaroon ng mga anak o kaya ay mabuntis, umiwas ka sap ag inom ng makahiya bilang gamot sa sakit mo.

Para sa mga buntis o nagpapasusong ina. Wala pa namang sapat na pag-aaral ang nagsasabi na ang paggamit ng makahiya ay may masamang epekto sa pagbubuntis. Hindi pa naman matukoy kung ang sangkap na nasa makahiya ay naipapasa ng nagpapasusong ina sa kanyang sanggol. Pero ayon sa mga dalubhasa, mas mabuti na ang pasiguro. Huwag munang gagamit ng halamang gamot na ito kung ikaw ay nagdadalang tao o nagpapasuso.

Sa mga diabetiko o may iregular na antas ng blood sugar sa dugo. Ang halamag gamot na makahiya ay isang halamang gamot na nakapagpapababa ng blood sugar ng pasyenteng may sakit na diabetes. Pero, kailangan mong maging maingat sap ag inom nito lalo na kung dati ka nang umiinom ng gamot sa diabetes. Dapat na sumangguni ka muna sa doktor ng saganon ay maisaayos niya ang dosage ng gamot na dati mo nang iniinom bago ka gumamit ng makahiya.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Makahiya: Ang Halamang Gamot na Walang Hiya sa Paglaban sa Sakit!
Rate this post