nandito ka
Mga Pangunahing Pakinabang ng Lagundi Bilang Halamang Gamot Mga Halamang Gamot 

Mga Pangunahing Pakinabang ng Lagundi Bilang Halamang Gamot

Ang lagundi ay matagal nang ginagamit ng ating mga ninuno bilang halamang gamot sa iba’t ibang uri ng mga karamdaman. Sa katunayan, ang Kagawaran sa Kalusugan dito sa Pilipinas ay kumikilala sa kakayahan ng lagundi bilang halamang gamot na ito pag sama nito sa listahan ng sampung halamang gamot na may subok nang mga kakayahang magpagaling.

Ang lagundi ay katutubo dito sa atin. Sa katunayan, ang lagundi ay makikitang tumutubo kahit saan dito sa Pilipinas.

Tingnan natin ang mga pakinabang ng paggamit ng lagundi bilang halamang gamot sa sumusunod na mga impormasyon. Huwag kalimutang i-share ang artikulong ito sa iyong mga kamag-anak at mga kaibigan!

Paggamit ng lagundi bilang halamang gamot

Ang pinakamabisang paraan ng paggamit ng halamang gamot na lagundi ay inumin ito bilang tsaa. Para magawa ito, kailangan mong maglaga ng isang tasa ng dahon ng lagundi sa apat na tasa ng tubig sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Hayaan itong lumamig at salain ang tubig nito. Pwede ka ring gumamit ng iba pang bahagi ng halaman bukod sa dahon tulad ng mga ugat, tangkay at buto ng lagundi para makagawa ng tsaa.

Irinirekomenda ang pag-inom ng kalahating tasa ng tsaa ng lagunding tatlong beses sa isang araw. Itago ang natitiranf tsaa sa isang malinis na lalagyan para sa susunod na mga paggamit. Ipagpatuloy ang paginom nito sa loob ng isang linggo. Bagaman sinasabing wala pang napagalaman na side effects ang paggamit ng lagundi, kumunsulta muna sa doktor bago ka uminom ng anumang halamang gamot, lalo na kung ikaw ay buntis o nagpapasuso.

Lagundi bilang gamot sa sakit ng tiyan

Ang bulaklak ng lagundi ay ginagamit bilang gamot sa mga problema sa tiyan tulad ng pagtatae, kolera at katulad na mga karamdaman. Ang mga ugat nito ay mainam ding panlunas sa dispepsiya at mga bulate sa tiyan. Ang pinulbos na ugat ng lagundi ay maaari ring gamitin bilang pamahid sa almoranas.

Para malunasan ang pananakit ng tiyan, kumuha ng isang dakot na dahon ng lagundi at pakuluan ito sa dalawang tasa ng tubig hanggang sa maging kalahati na lamang ang tubig. Salain ito at uminom ng sangkatlong bahagi nito tatlong beses kada araw.

Lagundi bilang gamot sa sakit sa atay

Ang dahon ng lagundi ay gamot sa mga sakit sa atay. Karagdagan pa, napatunayan ng mga pag-aaral na ang lagundi ay may kakayahang magprotekta ng atay laban sa mga mapaminsalang lason na nakakaapekto sa atay. Ang nilagang dahon ng lagundi ay napatunayan ding nakabubuti sa puso. Nakita rin ng mga dalubhasa na ito ay nakakatulong para makaiwas sa kumbulsyon ang pasyente dahil sa sangkap nitong lumalaban sa pangingisay.

Gamot sa sakit sa baga ang lagundi

Ang kagawaran sa kalusugan ng ating bansa ay kumikilala sa pagiging epektibo ng lagundi bilang halamang gamot sa mga sakit na may kaugnayan sa paghinga tulad ng hika, ubo, sipon at trangkaso. Sa katunayan, ang ating pamahalaan ay siya mismong nagpapakilala ng halamang gamot na ito bilang alternatibong gamot sa ubo.

Para gamitin bilang gamot sa ubo, pwede kang uminom ng tsaang gawa sa lagundi kasabay ng iba pang herbal na mga gamot. Iminumungkahi ng mga dalubhasa ang pag-inom ng isang tasa ng tsaang lagundi tatlong beses kada araw.

Kapag ang iyong sipon ay may kasamang lagnat, uminom ka nito bawat tatlong oras. Ang mga pasyenteng pinahihirapan ng hika ay maaaring magpakulo ng anim na kutsara ng dahon ng lagundi sa dalawang tasa ng tubig sa loob ng 15 minuto. Salain ito at uminom ng 1/3 na tasa tatlong ulit kada araw. Ipagpatuloy ang gamutang ito sa loob ng isang linggo.

Ang halamang gamot na ito ay may taglay na panlaban sa pamamaga, pamatay mikrobyo at gamot sa pananakit.

Lagundi bilang panlaban sa rayuma

Ang katas ng ugat ng lagundi ay napag-alamang epektibong gamot laban sa rayuma. Ang steam o singaw ng pinakuluang dahon ng lagundi ay nakakatulong na maibsan ang sakit na dala ng rayuma. Ang dahon ng lagundi ay nakapagpapakalma ng pananakit ng mga kasukasuan na dala ng sakit na rayuma.

Ang dahon ng lagundi ay epektibo ring panlaban sa pulikat. Magpakulo ng dahon ng lagundi at gamiting panghugas sa apektadong bahagi ng katawan.

Ang lagundi ay gamot sa sakit sa balat

Ang mga buto ng lagundi ay mainam na gamitib bilang panlaban sa mga sakit sa balat tulad ng pigsa, pamamantal at ketong dahil sa taglay nitong pampakalma at pamatay mikrobyo. Ang anti-histamine na nasa lagundi ay nakakapagpakalma ng pangangati.

Maaari mong gamiting pangmumog ang pinakuluang buto ng lagundi kung namamaga ang iyong bibig. Ang pagbabad sa bahagi ng katawan na kinagat ng insekto sa tubig na may lagundi ay nakakabawas sa pangangati.

Kung ikaw ay may sunburn, ang lagundi ay maaaring pakuluan sa tubig at gamiting panghugas sa apektadong bahagi ng katawan.

Magpakulo ng dalawang dakot ng dahon ng lagundi sa isang kaldero ng tubig sa loob ng limang minuto. Pwede mo itong gamiting panghugas sa sugat kapag lumamig na. Gawin ito ng dalawang beses kada araw para matigil ang pagdurugo.

Lagundi para sa pananakit ng katawan

Ang lagundi ay napatunayang epektibong panlaban sa pananakit dahil sa taglay nitong sangkap na analgesic. Ito ay maaaring maikumpara sa gamot na aspirin.

Ang halamang gamot na ito ay matagal nang ginagamit dito sa Pilipinas at mga kalapit bansa bilang gamot pagkatapos na bunutan ng ngipin.

Pwede rin itong gamitin bilang panlaban sa sakit ng ulo. Bagaman pwede mo itong inumin, pwede ka ring magdikdik ng dahon ng lagundi at ilagay ito sa noo o kaya ay ilagay sa ilalim ng unan na gagamitin sa pagtulog.

Bilang gamot sa sakit ng ngipin, magpakulo ng anim na kutsara ng lagundi sa dalawang tasa ng tubig hanggang sa ang kalahati ng tubig ay mawala. Hatiin sa tatlo ang natirang tubig at inumin ito bawat tatlong oras. Kung gagamitin ito sa mga bata, mas kaunting dahon ang kailangang lagain.

Kung hindi ka makakua ng dahon ng lagundi, pwede kang bumili ng lagundi capsules o lagundi syrup sa pinakamalapit na botika sainyong lugar.

Tandaan lamang na ang paggamit ng lagundi o anumang halamang gamot ay dapat na sabayan ng ibayong pag-iingat. Kung ikaw ay buntis o kaya nagpapasuso sa sanggol, mas mabuti na itigil mo muna ang paggamit nito.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Mga Pangunahing Pakinabang ng Lagundi Bilang Halamang Gamot
Rate this post