nandito ka
Gamot sa Sugat: Mga Dapat Mong Gawin Kung Ikaw ay Masugatan Halamang Gamot sa mga Sakit 

Gamot sa Sugat: Mga Dapat Mong Gawin Kung Ikaw ay Masugatan

Ang artikulong ito ay tatalakay sa epektibong gamot sa sugat, na madaling isagawa kahit nasa bahay lamang. Tandaan na ang mga pamamaraang tatalakayin natin ay pangunang lunas lamang na angkop sa hindi gaanong malalang mga sugat. Kumonsulta sa doktor kung mapansin mong hindi gumagaling ang pinsalang iyong natamo. Tandaan din na ang gamot sa sugat na may nana ay maibibigay lamang ng isang kwalipikadong doktor.

Epektibong gamot sa sugat: pangunang lunas

Narito ang mga kailangan mong gawin kapag ikaw ay nagtamo ng sugat sa balat. Una tiyakin mong mapigilan ang iyong pagdurugo. Ang pagdurugo ng sugat lalo na kung malalim na sugat ay isang seryosong kalagayan na pwedeng ikamatay. Kapag nagdurugo gumawa ng paraan upang mapigilan ito. Pwede kang maglagay ng benda o iangat ang bahagi ng katawan na may sugat. Kung hindi napipigil ang pagdurugo, magtungo ka na sa emergency room.

Ikalawa, kailangan mong linisin ang iyong sugat sa pamamagitan ng paghugas gamit ang sabon at malinis na tubig. Ang pinakamabisang paraan para gawin ito sa mababaw na sugat ay ang paghugas sa umaagos na tubig. Gumamit ng malamig na tubig na makapagpapabawas ng pressure sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Kung wala kang makuha na malinis na tubig, pwede kang gumamit ng tubig na pinakuluan o bumili ng distilled water sa botika.

Ang paghugas sa sugat ay magtatanggal ng dumi at mga bacteria. Ang malamig na tubig ay makakatulong na maibsan ang pananakit. Marahang patuyuin ang sugat gamit ang malinis na towel, at takpan ito ng benda pagkatapos.

Narito ang ilan pang mga tips kapag ikaw ay may sugat:

  • Maglagay ng yelo kapag may pamamaga at pananakit, makakatulong itong kumalma ang pananakit sa apektadong bahagi
  • Iwasan ang paninigarilyo at pag inom ng alak para hindi maabala ang paggaling
  • Huwag hahawakan ang sugat nang hindi ito maimpeksyon
  • Regular na hugasan ang sugat lalo na kung ito ay nakahantad sa hangin at polusyon
  • Mag-iwas sa mga nakaka istres na kalagayan dahil maaabala nito ang iyong paggaling
  • Kung posible, mag ehersisyo ka araw araw

Kung ang alin mang palatandaan o sintomas ng impeksyon ang magpakita, tulad ng tumitinding pananakit, nana sa sugat o lagnat, kailangan mong agarang magpatingin sa doktor.

Gamot sa sugat: natural na lunas

Pagkatapos na matiyak na natigil na ang pagdurugo at nahugasan na ng maayos ang sugat, pwede ka nang mag lagay ng natural na mga gamot sa sugat.

Narito ang ilan sa mga pwede mong subukan:

Langis ng niyog. Ang langis ng niyog ay epektibong nakapagpapagaling ng sugat dahil sa taglay nitong pamatay bacteria at panlaban sa pamamaga. Dahil sa taglay nitong mga sangkap, ang iyong sugat ay makakaiwas sa pagkakaroon ng pangit na peklat kapag ito ay gumaling na.

  • Magpahid ng virgin coconut oil sa bahaging may sugat.
  • Maglagay ka ng benda sa sugat para mapanatili ang tamang moisture.
  • Magpahid uli ng coconut oil at palitan ang benda dalawa o tatlong beses kada araw.
  • Isagawa ang pamamaraang ito sa loob ng ilang araw para makaiwas sa pagkakaroon ng peklat.

Aloe Vera. Ang paggamit ng aloe vera bilang gamot sa sugat ay matagal nang kaugalian hindi lamang ng ating mga ninuno kundi pati na sa ibang mga kultura at sibilisasyon sa buong mundo. Bakit? Dahil napag-alaman na ang aloe vera ay nagtataglay ng mga sangkap na kapag papakalma ng sakit at pamamaga.

Ito rin ay may kakayahang panatilihin ang tamang moisture ng balat na siyang kailangan para sa mas madaling paggaling ng sugat.

  • Hiwain ang dahon ng aloe vera at kunin ang gulaman nito
  • Ipahid ang gulaman sa sugat at hayaang matuyo
  • Linisin ang ang sugat gamit ang maligamgam na tubig at punasan ang sugat gamit ang malambot na tuwalya
  • Ulitin ang pamamaraang ito sa loob ng ilang beses kada araw hanggang sa lubusang gumaling ang sugat

Bawang. Ang bawang ay ilang dekada na ring ginagamit bilang mabisang gamot sa sugat dahil sa taglay nitong sangkap na pumapatay sa mga mikrobyo. Kaya nitong pahupain ang pagdurugo, mabawasan ang pananakit at magpabilis ng proseso ng paggaling ng sugat. Ang pagkain ng bawang ay nakapagpapalakas din ng depensa ng katawan laban sa sakit at impeksyon.

Kung sakaling ang sugat ay patuloy sa pagdurugo nito, linisin ang sugat gamit ang tubig at maglagay ng ilang pirasong dinikdik na bawang. Mapapansin mong mawawala ang pananakit at pagdurugo karakaraka.

Para mapabilis ang proseso ng paggaling ng sugat, magdikdik ng ilang piraso ng bawang at ilagay ito sa isang malinis na gasa. Ilagay ang gasa sa ibabaw ng sugat at talian ito ng benda. Hayaan ito sa loob ng 20 minuto, at banlawan ng maligamgam na tubig pagkatapos. Ulitin ito ng dalawang beses kada araw hanggang sa tuluyan nang maghilm ang iyong sugat.

Hilaw na patatas. Pwede kang gumamit ng hilaw na patatas bilang gamot sa sugat. Makakatulong ito na ma-moisturize ang sugat para ito ay mabilis na gumaling.

Gumayat ng isa o dalawang patatas at ikalat ito sa isang piraso ng tela, ilagay ito sa ibabaw ng apektadong bahagi.

  • Hayaan ito ng apat hanggang limang oras, bago alisin at hugasan ng maligamgam na tubig pagkatapos
  • Palitan ang ginayat na patatas kung ito ay tuyo na.
  • Gawin ang pamamaraang ito hanggang sa ang sugat ay tuluyan nang gumaling

Kung ang sugat ay may nana

Ano ba ang gamot sa sugat na may nana? Bago natin sagutin yan, alamin muna natin kung bakit may nana ang sugat mo. Ang nana ay palatandaan na ang sugat ay may impeksyon. Alam natin na ang impeksyon ay isang seryosong kumplikasyon ng paggaling ng sugat. Ang nana sa sugat ay maaaring maging sagabal sa paggaling ng pinsala sa balat.

May gamot nga ba sa sugat na may nana? Tiyak na meron, pero dahil sa ito nagpapakita na ikaw ay may impeksyon, mas matalinong isangguni ang iyong sugat sa doktor para mabigyan ka ng reseta laban sa impeksyon. Habang hindi ka pa nakakapag konsulta, siguraduhin mong malinis ang iyong sugat sa pamamagitan ng paghugas ng regular dito gamit ang malinis na maligamgam na tubig at hypoallergenic na sabon.

Sa muli, kung may mapansin kang kakaiba sa sugat mo, o kaya ay may mga palatandaan ng impeksyon, huwag mag-atubiling kumunsulta agad sa doktor.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Gamot sa Sugat: Mga Dapat Mong Gawin Kung Ikaw ay Masugatan
Rate this post