nandito ka
Mga Pakinabang ng Bayabas Bilang Halamang Gamot Mga Halamang Gamot 

Mga Pakinabang ng Bayabas Bilang Halamang Gamot

Ang bayabas ay isang prutas na kilalang mayaman sa bitamina A at C. Ito ay ginagamit din bilang halamang gamot dahil sa taglay nitong antiseptic properties na nakakatulong sa pagpagaling ng sugat, ulcer, impeksyon na sanhi ng bacteria at pagtatae. Ang bayabas ay nagtataglay ng iba’t ibang sangkap na nagbibigay ng napakaraming mga pakinabang sa tao. Ang artikulong ito ay tutulong saiyo na makita ang mga pakinabang ng bayabas bilang halamang gamot, gamit ang mga maka-agham na mga paliwanag.

Ano ang bayabas?

Ang bayabas o guava ay isang maliit na punong kahoy na tumutubo sa mga lugar na tropical tulad ng Mexico, Pero at Pilipinas. Ang punong ito ay lumalaki ng tatlo hanggang sampung metro. Ito ay namumunga ng mabilog na mga bunga na nagsisimula bilang mga bulaklak. Ang bunga ng bayabas ay nagsisimula bilang berde kapag ito ay hilaw pa, subalit naninilaw at lumalambot kapag ito ay hinog na. Ang bunga ng bayabas ay nagtataglay ng maliliit na mga buto sa loob nito. Ang bunga ng bayabas ay kadalasang kinakain ng mga Pinoy habang ito ay hilaw pa.

Dito sa atin s a Pilipinas, ang bayabas ay malawakang ginagamit bilang halamang gamot at kinikilala ng Department of Health ng ating bansa dahil sa kakayahan nitong maqgpagaling ng iba’t ibang karamdaman.

Ang mga bunga at dahon ng bayabas ay nagtataglay ng mabibisang mga sangkap tulad ng eugenol at flavonoids. Ito ay ginagamit bilang herbal na lunas dahil sa taglay nitong kakayahang magpagaling ng sugat, magpahupa ng pamamaga, magprotekta sa atay, antioxidant, panlaban sa allergy, pamatay mikrobyo, gamot sa ubo, gamot sa diabetes at gamot sa lason.

Ang bayabas bilang halamang gamot

Ang bayabas ay matagal nang ginagamit ng mga Pilipino bilang panghugas at panlaban sa pamamaga ng balat. Gamot din ito sa mga sumusunod na kondisyon sa balat:

  • Paso sa balat
  • Paltos sa balat
  • Galos
  • Sugat
  • Psoriasis
  • Eksema
  • At iba pang mga sakit sa balat

Ang dinikdik na dahon ng bayabas o pinakuluang dahon ay inilalagay ng direkta sa apektadong bahagi. Ito ay nagdudulot ng magaang pakiramdam at nagpapabili ng paggaling.

Ang bayabas ay kilala ring halamang gamot sa mga sakit sa tiyan tulad ng mga sumusunod:

  • Pagtatae
  • Disentiriya
  • Kabag

Ang nilagang dahon ng bayabas ay iniinom, tatlo hanggang limang baso kada araw.

Narito ang iba pang mga pakinabang ng halamang gamot na bayabas:

  • Panlaban sa pulikat
  • Antioxidant
  • Pananggalang sa atay
  • Anti-allergy
  • Pamatay sa mga mikrobyo
  • Gamot sa ubo
  • Gamot sa diabetes
  • Pang-iwas sa kanser

Siyentipikong mga pag-aaral sa halamang gamot na bayabas

Narito ang ilang mga pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa para patunayan ang potensyal ng bayabas bilang halamang gamot.

Ang bayabas at ang kidney. Sa isang pag-aaral, sinubukan ng mga dalubhasa na tingnan ang kakayahan ng bayabas na protektahan ang mga bato o kidney ng mga dagang may diabetes. Ang resulta ng pananaliksik na ito ay malinaw na nagsasabi na ang bunga ng bayabas ay nakakatulong na mapangalagaan ang kidney laban sa pamiminsala ng sakit na diabetes dahil sa taglay nitong mga sangkap na antioxidant, laban sa pamamaga at pampababa ng blood sugar.

Ang bayabas at ang diabetes. May isang pag-aaral na isinagawa para malaman kung ang pagkain ng bunga ng bayabas ay talaga nga bang nakakatulong sa pagpababa ng asukal sa dugo. Ang eksperimentong ito ay isinagawa sa mga daga. Ang resulta? Ipinapakita ng kinalabasan ng eksperimento na ang katas ng bayabas ay talagang nakapag pababa ng fasting blood sugar ng mga dagang may diabetes. Makikita lamang na ang bayabas ay isang potensyal kung pag control sa diabetes ang pag-uusapan.

Antioxidant na nasa bayabas. Ipinapakita ng isang pagsusuri na ang bayabas na nagtataglay ng mga sangkap tulad ng flavonoids ay nakakatulong para hindi masira ang mga selula at tissues dahil sa mga free radicals. Ang katas ng bayabas ay tinitingnan ngayon ng mga dalubhasa bilang potensyal na antioxidant na pwedeng panlaban sa mga sakit na dala ng free radicals.

Bayabas bilang pamatay mikrobyo, laban sa pagtatae. Layunin ng isang pag-aaral na matiyak ang mga ulat na nagsasabing nakagagamot daw ng pagtatae ang bayabas. Kung sa bagay, ang bayabas ay matagal nang ginagamit bilang pamatay mikrobyo kaya parang may basehan naman talaga ang mga ulat na ito ay mabisang halamang gamot laban sa pagtatae. Sampung uri ng mga mikrobyo ang pinatubo sa laboratoryo gamit ang mga agar plates. Nag ito ay malalago na, pinatakan ito ng katas ng bayabas na may halong tubig. Ang resulta ay nagpapakita na ang pagdami ng mga mikrobyong ito ay nahadalangan ng aktibong mga sangkap ng bayabas. Ipinapakita lang nito na ang bayabas ay maaaring gamitin bilang halamang gamot sa pagtatae.

Paghahanda ng bayabas: Paano gamitin ang bayabas bilang antiseptic?

Narito ang mga pamamaraan kung paano gagamitin ang bayabas bilang panghugas sa mga sugat sa balat ng tao.

  • Magpitas ng dahon ng bayabas at siguraduhing ito ay malinis sa pamamagitan ng paghugas nito
  • Pakuluan ang isang tasa ng dahon ng bayabas sa tatlong tasa ng tubig sa loob ng sampung minuto
  • Salain at hayaang lumamig
  • Gamitin bilang mouthwash o pang mumog
  • Para gamitin bilang panghugas sa sugat, ihugas sa apektadong bahagi ng dalawa o tatlong beses kada araw
  • Pwede rin itong gamiting panghugas sa pwerta pagkapanganak ng nanay
  • Ang dahon ng bayabas ay pwede ring nguyain ng hilaw bilang lunas sa masakit na ngipin at pamamaga ng gilagid
  • Para mapabilis an gang paggaling ng sugat, pwede kang magdikdik ng pr5eskong dahon ng bayabas at ilagay sa mismong sugat.
  • Kapag mapansin mong lalong lumala ang mga sintomas, itigil mo ang paggamit ng bayabas at kumunsulta agad sa doktor.

Paggamit sa bayabas bilang halamang gamot sa pagtatae at mga bulate

Kun ikaw o ang iyong mga kapamilya ay nagtatae o kaya naman ay pinahihirapan ng mga parasito sa tiyan tulad ng bulate, pwede mong gamitin ang halamang gamot na bayabas sa ganitong pamamaraan:

  • Magpitas ng dahon ng bayabas, hugasan ito ng mabuti
  • Pakuluan ang tinadtad na dahon ng bayabas, apat o anim na kutsara sa bawat 18 onsa ng tubig
  • Salain at hayaang lumamig
  • Uminom ng ¼ sa bawat tatlo o apat na oras hanggang sa bumiti na ang iyong pakiramdam

Side effects ng bayabas

Tandaan: Ang sobrang pagkain ng bayabas ay pwedeng maging sanhi ng kahirapan sa pagdumi. Kung ito ay ginamit mo sa paggamot sa pagtatae at hindi bumuti ang mga sintomas sa loob ng dalawang araw, itigil ang paggamit ng bayabas at kumunsulta agad sa doktor.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Mga Pakinabang ng Bayabas Bilang Halamang Gamot
Rate this post